SA gitna ng patuloy na paglobo ng populasyon sa mga pampublikong paaralan, iniinda ngayon ng Department of Education (DepEd) ang kakulangan ng mga guidance counselors.
Pag-amin ng DepEd, halos walang interesadong mag-apply ng trabaho bilang guidance counselor sa mga public schools. Ang dahilan – walang kumagat sa mababang sahod na kalakip ng naturang pwesto.
Sa datos ng DepEd, nasa 2,000 lang ang guidance counselors sa buong bansa. Hindi anila sapat ang naturang dami kumpara sa 28 milyong estudyante sa mga pampublikong paaralan.
Lumalabas sa pag-aaral ng nasabing kagawaran, meron lang isang guidance counselor sa kada 14,000 mag-aaral.
Ayon naman kay Deped spokesperson Atty. Michael Poa, entry level lamang ang katumbas na sahod kada buwan ng mga guidance counselor – “Around P27,000 per month po yan this year.”
Hindi rin aniya problema kung ilan ang matatanggap sa trabaho dahil sa dami ng bakanteng pwesto. Pag-amin pa niya, halos walang interesadong mag-apply sa kanilang departamento dahil sa dami ng mga rekisitos at maliit na sweldo.
“Kaakibat ng sahod is yung qualifications na hinihingi natin sa kanila. So yung qualifications po kasi kailangan masters degree holder sila, and base doon sa sahod, hindi talaga siya attractive,” aniya pa.
Sa Metro Manila, may 400 plantilla positions pa ng guidance counselor ang di pa napupunan.