ISINANTABI ni Deputy Speaker at La Union Rep. Francisco Paolo Ortega V ang puna laban sa inaprubahang bersyon ng Anti-Political Dynasty Bill ng Kamara.
Para kay Ortega, maituturing ang panukala bilang “most realistic approach” sa pagpapatupad ng probisyong nakapaloob sa 1987 Constitution hinggil sa kontrol ng mga maimpluwensyang pamilya sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“Siguro yung napasa po naming [anti-political] dynasty bill, yung version po namin na isinulong at naipasa, siguro kumbaga yun ang pinaka-realistic. Kahit papaano may trimming na nangyari although hindi ganun ka-comprehensive at ganun ka-dramatic pero ‘yun po ‘yung pinaka-realistic na mas maipapasa,” ayon pa ranking House official.
Matatandaan na bago ang sine die adjournment, kinatigan ng mga kongresista ang third at final reading ng House Bill 8389, na nagbabawal political dynasties sa bisa ng mga restriksyon sa mag-asawa, at kamag-anak hanggang second degree of consanguinity or affinity na sabay kumandidato o humawak ng elective positions sa magkaparehong isang jurisdiction.
Partikular na tinukoy ni Ortega ang panukalang anti-dynasty bill na akda nina House Speaker Faustino Dy III at House Majority Leader Sandro Marcos — at kabilang sa mga legislative bills na inindorso Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang priority measures ng administrasyon sa ilalim ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).
Nakapaloob sa HB 8389 na “relatives within the prohibited degree may not simultaneously occupy elective positions within the same province, city, municipality, district, or barangay.”
Giit ni Ortega, ang House-approved anti-political dynasty bill ay isang mahalagang hakbang para tuldukan ang ilang dekadang kabiguan na matupad ang atas ng Saligang Batas na magkaroon ng malinaw na probisyon kontra political dynasties.
“Hindi naman po ako magpapaka-hypocrite. Hindi naman po lingid sa taumbayan na ako po ay isang member rin ng political family. Magandang unang hakbang ito, so at least kahit papaano, in the history [of the House], naipasa po sa Kongreso.”
Ipinaliwanag din ng kongresista na ang inaprubahan anti-dynasty bill ng Kamara ay gumamit ng tinatawag na clustering approach o ang pagbabawal sa sabayang panunungkulan ng malapit na magkamag-anak sa parehong political jurisdiction.
