PARA kay Caloocan City Rep. Edgar Erice, posibleng isabong ng oposisyon si Senador Bong Go sa 2028 presidential elections — yun ay kung hindi tatakbo si Vice President Sara Duterte.
Sa isang panayam na umere sa Bilyonaryo News Channel, tinanong si Erice kung sino ang posibleng sumagupa sa magiging pambato ni Pangulo Ferdinand Marcos Jr.
“Sa tingin ko, kung wala si VP Sara tsaka si VP Leni [Robredo], sa nakikita ko ngayon ha, pati sa opinyon ng mga kapwa ko politiko sa House, si Bong Go,” wika ng Kinatawan ng Caloocan sa Kamara.
Una nang tinanggihan ni Robredo ang hamon na muling tumakbo sa halalang pampanguluhan sa 2028.
Sa pagtataya ng kongresista, malaki ang potensyal ni Go dahil sa matibay na ugnayan sa mga mamamayan sa mga lalawigang sakop ng Visayas at Mindanao. Hindi rin umano matatawaran ang mainit na pagtanggap ng mga residente ng Metro Manila at mga karatig lalawigan.
Higit na kilala si Go na may-akda ng Malasakit Act na lubos na pinakikinabangan ng mga maralitang mamamayan sa larangan ng kalusugan.
Gayunpaman, malaking hamon aniya sa naturang senador sakaling magpasya kumandidato para sa posisyon ng Pangulo — ang basbas ni VP Sara.
Gayunman, sinabi niyang may isang hamon si Go kung sakaling isaalang-alang nito ang pagtakbo sa pagkapangulo.
“Meron lang siyang problema… kailangan mapapayag niya si VP Sara.”
