WALA ng buhay pagdating sa pagamutan ang isang 41-anyos na babae matapos madaganan ng pader bunsod ng pagguho ng lupa sa Barangay Sta. Cruz sa lungsod ng Antipolo, Sabado ng gabi.
Batay sa ulat ng Antipolo City Disaster Risk Reduction Management Office, nasa 19 na bahay rin ang natabunan ng lupa sa gitna ng malakas na buhos ng ulan dala ng bagyong Dodong.
Kwento ng iba pang pinalad na makaligtas, nag-iisa lang sa tinutuluyang bahay ang 41-anyos na si Dina Saban nang bumagsak ang pader ng tinutuluyang tahanan ng biktima sa Vista Grande, Barangay Sta. Cruz dakong alas 8:00 ng gabi.
Sa hiwalay na ulat ng nakakasakop na barangay, nasa 20 pamilyang mula sa naturang komunidad ang pansamantalang inilikas at nanunuluyan sa itinakdang evacuation center ng Barangay Sta. Cruz.