BINIGYAN-katiyakan ng pamunuan ng Senado ang pagsasabatas ng P150 across-the-board wage increase para sa mga minimum wage earners bilang tugon sa sentimyento ng mas nakakaraming Pilipino.
Partikular na tinukoy ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang resulta ng pangangalap ng datos na pinangasiwaan ng Pulse Asia kung saan lumalabas na makatarungang sahod ang asam-asam ng 44% ng mga lumahok sa naturang survey.
Kabilang rin sa mga hiling ng mga mamamayang Pilipino ay ang pagkontrol ng gobyerno sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Sa isa pang survey, lumalabas rin na 97% ng mga Pinoy ang pabor sa P150 wage increase para sa private sector workers.
Aniya, kanyang gagamitin ang resulta ng survey upang kumbinsihin ang mga kapwa mambabatas na suportahan ang wage hike bill sa muling pagbubukas ng plenaryo sa susunod na linggo.
Noong Marso, inihain ni Zubiri ang Senate Bill 2002 (Across-the-Board Wage Increase Act of 2023) na naglalayong magkaroon ng P150 wage increase sa buong bansa.
Buwan ng Hunyo nang aprubahan ng Metro Manila Regional Wage Board ang P40 dagdag sa arawang sahod ng mga manggagawa sa National Capital Region.
Nakausap na rin aniya ang ilang negosyanteng pabor sa pagtaas ng sahod.
“They have seen a marked increase in Filipino workers wanting to leave the country and work as OFWs abroad. They are experiencing a brain drain on skilled workers and having a hard time hiring even new graduates who are applying for passports to seek greener pastures abroad,” aniya.