DALAWANG babaeng aktibista ang dinukot ng apat na hindi pa nakikilalang kalalakihan sa harap ng tanggapan ng Orion Water District sa barangay Lati sa bayan ng Orion, lalawigan ng Bataan.
Kinilala ang mga biktimang sina Jhed Tamano,na miyembro ng grupong AKAP Ka Manila Bay at ikasamang si Jonila Castro mula tumatayong coordinator ng Ecumenical Bishops Forum.
Batay sa paunang imbestigasyon, apat na kalalakihan sakay ng isang kulay abong SUV ang huminto dakong alas 7:00 ng umaga noong Setyembre 2 sa harap ng Orion Water District kung saan di umano nagsasagawa ng pag-aaral sina Tamano at Castro kaugnay ng mga pagbahang sinisisi sa malawakang reclamation projects sa Manila Bay.
Naiwan naman sa crime scene ang mga tsinelas ng mga biktimang pinaniniwalaang pinwersa ng mga salarin.
“Prior to the incident, Castro and Tamano were preparing for the relief operations and consultation in the communities of Bataan. However, they are already experiencing intimidation and harassment,” saad sa isang bahagi ng pahayag na inilabas ng AKAP KA Manila Bay.
“Castro and Tamano continue to fight against the destructive projects looming on Manila Bay due to their impact on the environment and livelihood. Instead of support, they only reap fear and violence,” dagdag pa ng nasabing grupo.
Panawagan ng AKAP Ka Manila Bay, ilutang ang mga nawawalang aktibista.
Sa datos ng grupong Karapatan, umabot na sa 13 ang kabuuang bilang ng mga dinukot na aktibista mula nang maupo sa Palasyo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Bago pa man ang insidente, una nang kinondena ng mga militanteng grupo ang di umano’y pagbuntot kina Tamano at Castro.
Samantala, hindi pa rin natatagpuan ang labi nina Dexter Capuyan na isang katutubo at Gene Roz Jamil de Jesus na pinaniniwalaang pinaslang matapos dukutin noong Abril 28 sa bayan ng Taytay sa lalawigan ng Rizal.