
HINDI na umabot ng buhay sa pagamutan ang dalawang pulis na binaril ng dalawang hindi pa nakikilalang salarin sa loob mismo ng isang simbahan sa Barangay Ilaor, bayan ng Oas sa lalawigan ng Albay.
Kinilala ng lokal na pulisya ang mga biktimang sina Chief Master Sgt. Joseph Ostonal, 43-anyos, may-asawa at residente ng Mayon Vista Subdivision, Ligao City; at Cpl. Jeffrey Refereza, 35, binata, residente ng bayan ng Libon sa Albay at kapwa kasapi ng Oas Municipal Police Station.
Agad namang naaresto sa inilatag na checkpoint ang mga suspek na kapwa sundalo – sina Richard Bonaobra, 35-anyos; at Fernan Regala Jardinel, 37-anyos, binata, dating sundalo pero natanggal makaraang mag-AWOL habang nakatalaga sa 65th Infantry Battalion ng 9th Infantry Division ng Philippine Army sa Marawi City; kapwa residente ng Zone-2, Brgy. Santiago Old, Nabua, Camarines Sur.
Sa imbestigasyon, bandang hatinggabi habang nagsasagawa ng mobile patrol sina Ostonal at Refereza ay naispatan ang mga suspek habang nakatambay sa loob ng compound ng simbahan.
Nang lapitan para sitahin, biglang bumunot ng baril ang mga suspek at walang kaabug-abog na pinagbabaril ang mga biktima na parehong tinamaan sa ulo at dibdib dahilan ng agaran nilang kamatayan.
Mabilis na tumakas ang mga suspek lulan ng kulay pulang SYM motorcycle (628-QCW) at nakipagpalitan pa ng putok sa humahabol na mga pulis.
Dito agad nag-flash alarm ang Oas Police sa katabing mga police stations dahilan para maharang ang mga suspek sa may poblasyon sa bayan ng Polangui.
Nakumpiska mula sa suspek na si Regala ang isang kalibre 45 baril at ang ginamit na motorsiklo, habang isinugod naman sa pagamutan ang isa sa dalawang suspek na tinamaan ng bala sa binti sa kainitan ng putukan.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa hangaring matukoy ang motibo ng pamamaslang.