MULA nang paslangin si Negros Oriental Gov. Roel Degamo, wala nang nagtagal na hepe ng provincial police office para sa naturang lalawigan.
Katunayan, muling nagtalaga ng bagong provincial police director ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa hangaring tiyakin ang seguridad, kaayusan at kapayapaan sa Negros Oriental.
Ang bagong provincial police chief – Col. Ronan Claravall na humalili kay Col. Alex Recinto na itinalaga tatlong linggo matapos ang pagpatay kay Degamo.
Bukod sa bagong hepe ng Negros Oriental PNP, nagpadala rin ng 100 karagdagang pulis mula sa Regional Mobile Force Battalion 7 upang panatilihin ang kapayapaang binulabog ng malagim na insidente noong Marso 4.
Paliwanag ng PNP, target siguraduhin ang pagdaraos ng isang maayos at malinis na Barangay and Sangguniang Kabataan (SK) elections sa naturang probinsya.
Una na ring binisita ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, Jr. ang bayan ng Sibulan at pinayuhan ang mga pulis na ituloy lamang ang kanilang trabaho kasunod ng pagsasampa ng kaso laban sa mga responsible sa Degamo ambush slay.