Ni EDWIN MORENO
SA halip na kwarta, malamig na rehas ng selda ang kapit ng dalawang pulis matapos dakpin ng mga operatibang kabaro bunsod ng reklamong pangongotong sa Cotabato City.
Batay sa paunang imbestigasyon, pilit na pinasuka nina Master Sergeant Nassrolah Abdula Gani at Executive Master Sergeant Benigno Mercado Jr. ang isang inhinyero kapalit ng ‘tulong’ na i-release ang inimpound na kotse.
Ayon kay Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) Director Brig. Gen. Warren De Leon, kapwa nakatalaga ang mga suspek sa Regional Patrol Highway Unit ng PNP-Bangsamoro Autonomous Region (BAR).
Inaresto sina Gani at Mercado sa inilatag na entrapment operation sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) matapos ireklamo ng isang Engineer Surraff Kadir Pasandalan.
Kwento ng biktima, hiningian umano siya nina Ganii at Mercado – kasama ang apat pang hindi pinangalanang kasabwat – ng P50,000 para mailabas ang Honda Civic na na-impound bunsod ng paglabag sa batas-trapiko.
Ani Engr. Pasandalan, P50,000 ang hirit ng mga suspek para mailabas sa impounding area ang kanyang sasakyan. Sa gitna ng negosasyon, nakiusap pa ang biktima na magbibigay muna ng P20,000 bilang paunang bayad.
Lingid sa kaalaman ng dalawang pulis, humingi na ng tulong ang biktima sa IMEG na nakabase sa BARMM region. Bandang alas 7:00 nang gabi ng maaresto ang dalawang pulis sa loob mismo ng police headquarters sa Barangay Rosary Heights sa Cotabato City.
Narekober mula sa mga suspek ang P20,000 marked money na ibinigay ng biktima gayundin ang isang caliber 9mm na baril, galil rifle, mga magasin na pawang kargado ng bala.
