POSIBLENG masibak sa trabaho ang 27 empleyado ng pamahalaang lungsod ng Iriga matapos magpositibo sa drug test na ikinasa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa lahat ng kawani ng naturang lokalidad.
Ayon kay Camarines Sur PDEA Provincial Officer Mark Anthony Viray, nasa 500 empleyado ng lungsod ang isinalang sa drug test sa hiling mismo ni Mayor Wilfredo Rex Oliva bilang bahagi ng polisiyang naglalayong gawing “drug-free workplace” ang city hall.
Para tiyakin walang makakaiwas sa drug test, pansamantalang ikinandado ang pasukan at labasan ng city hall para sa pagsusuring pinangunahan mismo ni Oliva.
Gayunpaman, nilinaw ng PDEA na kailangan pa muna isalang sa confirmatory drug test ang 27 empleyado bago maging konklusibo ang resulta ng pagsusuri.
