TATLONG hinihinalang miyembro ng isang private army ang nasawi matapos ang umano’y engkwentro sa bayan ng Hadji Muhtamad sa lalawigan ng Basilan.
Sa ulat ng Basilan Police Provincial Office sa punong himpilan ng pambansang kapulisan, dakong ala 1:00 ng madaling araw nang habang nagsasagawa ng maritime patrol ang mga pulis nang maispatan ang ang walong kalalakihan habang lulan ng isang bangkang de motor.
Nang sitahin, kumaripas palayo ang naturang bangka, dahilan para magpaputok ng warning shots ang mga pulis. Agad naman gumanti ng putok ang mga tinutugis na indibidwal.
Ilang saglit pa, inabutan ang bangka kung saan tumambad ang mga duguang lalaki.
Bukod sa tatlong nasawi, dalawa sa walong lalaki ang sugatan.
Sa imbestigasyon, lumalabas na kaanim ni Jamar Mansul na kandidato sa pagka-alkalde ng Hadji Muhtamad ang mga suspek.
Samantala, itinanggi ng asawa ni Mansul ang paratang na miyembro ng kanilang private army ang naturang grupo. Aniya, pumunta lamang umano ang kanilang mga kamag-anak sa Hadji Muhtamad para bumoto.
