MABILIS na dumarami ang bilang ng mga pagbubuntis sa hanay ng mga dalaginding na edad 10 hanggang 14-anyos, ayon sa Commission on Population and Development (POPCOM).
Sa pagdinig ng House Committee on Youth and Sports, nagpahayag ng pagkabahala si POPCOM Executive Director Lisa Grace Bersales sa aniya’y pagdami ng mga batam-batang ina sa nakalipas na taon.
Sa datos na inilahad sa komite, lumalabas na nasa pangalawang pwesto na ang Pilipinas sa talaan ng mga bansa sa Asya sa larangan ng teenage pregnancies. Gayunpaman, bahagyang bumaba ang adolescent birth rate na nasa 5.9% sa mga kabataang babae na edad 15-19 base na rin sa datos ng POPCOM. Pinakamataas ang teenage pregnancy sa Laos na may 6.33 %.
“Nababahala po kami dahilan nasa 10 to 14 – the much younger teenage girls ang nabubuntis na,” ayon sa opisyal. Base sa impormasyon ng Civil Registry of Statistics ng Philippines Statistics Authority (PSA), nasa 2,113 ang mga ipinanganak na sanggol sa nasabing age group noong 2020.
Sa talaan naman ng Department of Health (DOH), nasa 2,534 mga kabataang Pinay na 10-14 taong gulang ang nanganak noong 2020 habang 2,299 noong 2021.
Hindi naman nalalayo ang datos ng Department of Social Welfare and Development Social Technology Bureau na nakapagtala ng pagbubuntis at pagluluwal ng 2,411 inang edad 10 hanggang 14-anyos noong 2019. Samantala, 133,000 menor de edad na ang nagkapamilya noong 2021 kabilang ang edad 10-19.