
PARA kay Senador JV Ejercito, dapat isama sa mga taong iniimbestigahan ang lima sa anim na pulis na itinalagang bantayan ang seguridad ng pinaslang na Negros Oriental Gov. Roel Degamo.
Sa kanyang social media post, kinuwestyon no Ejercito ang aniya’y nakakadudang pagliban ng lima sa anim na ‘security details’ na itinalaga ng Philippine National Police (PNP) para tiyakin ang kaligtasan ng gobernador – sa mismong araw na naganap ang malagim na insidenteng kumitil din sa buhay ng walong iba pa.
Aniya, dapat isalang sa mabususing pagsisiyasat ang limang hindi pinangalanang PNP security details ng yumaong punong lalawigan.
Hindi naman niya binanggit sa kanyang socmed post kung saan nanggaling ang impormasyon.
“Five out of six PNP personnel assigned to Gov. Roel Degamo did not report on the day he was assassinated. These five should be investigated for conspiring with the mastermind,” ani Ejercito.
“Hindi ito nagkataon,” dagdag pa ng senador.