NASA ilalim na ng kustodiya ng Philippine National Police (PNP) ang mga “persons of interest” sa sumablay na pagpatay sa self-confessed drug lord na kandidato para mayor ng bayan ng Albuera a lalawigan ng Leyte.
Sa isang pulong-balitaan sa Camp Crame, hindi pinangalanan ni Brig. Gen. Jean Fajardo na tumatayong tagapagsalita ng PNP ang mga “persons of interest.”
Gayunpaman, kinumpirma ni Fajardo na pawang mga pulis ang iniimbestigahan kaugnay ng bigong pagpatay kay Albuera mayoralty candidate Kevin Espinosa noong Abril 10.
Base sa ulat ng lokal na pulisya, nagtago ang armadong salarin sa kisame ng entablado kung saan nakatakda sanang magtalumpati si Espinosa bilang bahagi ng pangangampanya.
Nang hingan ng detalye sa pagkakakilanlan ng mga itinuturing na “persons of interest,” tumanggi si Fajardo na magbigay ng iba pang detalye maliban sa hindi aniya pulis-Albuera ang nagtangka sa buhay ng confessed drug lord na anak ni former Albuera Mayor Rolando Espinosa na kabilang sa talaan ng mga pinaslang na alkaldeng pasok sa narco-list ni former Rodrigo Duterte.
Ayon kay Fajardo, ang pitong pulis na kinabibilangan ng dalawang opisyal at limang non-commissioned officers (NCO), at pawang nakatalaga sa Ormoc City Police Station.
Nagtamo ng tama ng bala sa balikat si Espinosa, sugatan din sa pamamaril ang isang menor-de-edad at maging ang vice-mayoralty candidate na Mariel Espinosa Marinay.
Pagkatapos magpaputok, mabilis na tumakas ang salarin na sumakay sa nakaantabay ng itim na Pajero.
Agad naman umanong nasundan ng mga rumespondeng pulis ang getaway car ng suspek na inabutan sa isang compound.
Paglilinaw ni Fajardo, hindi pa maituturing na suspek ang pitong pulis na sumasailalim sa paraffin at ballistic test. (EDWIN MORENO)
