
SA kabila ng probisyon sa ilalim ng Saligang Batas kung saan mahigpit na ipinagbabawal ang political dynasty, muling nadagdagan ng isa pang nasa poder ang pamilya Remulla mula sa lalawigan ng Cavite.
Sa kalatas ng Commission on Elections (Comelec), idineklarang wagi sa katatapos lang na special election para sa ika-pitong distrito ng Cavite si Crispin Diego ‘Ping’ Remulla, anak ni Justice Sec. Crispin Remulla.
Kabilang sa mga lokalidad na saklaw ng batang Remulla bilang bagong kongresista ang Amadeo, Indang, Tanza at Trece Martires City, Cavite.
Batay sa proklamasyon ng Comelec, nakasungkit ng 98,474 boto ang ang batang Remulla.
Nagdaos ng special election ang Comelec sa nasabing distrito matapos mabakante ang pwesto sa bisa ng pagtatalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa matandang Remulla bilang Kalihim ng Department of Justice.
Sa datos ng Comelec, 149,581 botante (katumbas ng 42.11%) lang ang lumahok sa special election – malayo sa 355,164 registered voters sa mga nabanggit na bayan.
Bukod sa mag-amang Remulla, nasa poder din ang dalawang kapatid ng Kalihim. Gobernador ng Cavite si Jonvic Remulla habang itinalaga naman ni Marcos Jr. bilang director ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) ang dating mamamahayag na si Gilbert Remulla.