HINDI na nagawa pang magpumiglas ng 10 dayuhan matapos dakpin ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa magkakahiwalay na operasyon sa Siargao Island.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ng kawanihan ang pag-aresto ng mga operatiba ng Immigration Intelligence Division sa mga foreign nationals na mula sa mga bansang Morocco. Austria, Israel, Nigeria, Lithuania at China.
Ayon kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, dinakip ang mga dayuhan bunsod ng mga paglabas sa umiiral na immigration laws.
Una nang natatanggap ng impormasyon ang ahensya mula sa mga negosyante hinggil sa pananatili ng mga banyaga sa nabanggit na isla.
Nang imbestigahan, lumalabas na walang working permit ang ilan sa mga dayuhan. Napag-alaman din na pawang paso na ang visa ng mga foreign nationals.
Buking din ang criminal record ng isa sa 10 arestado.
Paglilinaw ni Viado, bukas naman ang Pilipinas sa mga dayuhan kung lehitimo ang dahilan tulad ng pagbisita bilang turista o pagnenegosyo alinsunod sa programa ng gobyerno.
“Basta legit at kumpleto sa papeles, welcome sila dito sa atin,” anang opisyal.
Dinala na sa detention facility ng Bureau of Immigration sa Maynila ang 10 dayuhan at sasailalim sa deportation proceedings.
