TULUYANG sinuspinde ng Sangguniang Bayan ng Angono ang isang kapitana matapos mabigo maglabas ng mga dokumentong patunay na naaayon sa panuntunan ng pamahalaan ang paggastos sa pondo ng barangay.
Sa 12-pahinang desisyon sa reklamong isinampa ng mga kagawad ng Barangay Kalayaan, pinatawan ng six-month suspension si Kapitana Annaliza Intalan kaugnay ng kasong neglect of duty, misconduct at abuse of authority.
Batay sa reklamo ng mga kagawad, paulit-ulit umano tumanggi si Intalan ilabas ang disbursement vouchers, financial statement at maging ang bank statement mula taong 2023 hanggang sa unang bahagi ng kasalukuyang taon.
Sa isinagawang pagdinig ng committee on ethics and good governance, inilahad ng mga miyembro ng Sangguniang Barangay ang umano’y pamumwersa ni Intalan sa mga kagawad na pirmahan ang financial report na wala anilang kalakip na dokumento kung paano at saan ginastos ang pondo.
Nang hingin ang mga tinatawag na “attachments,” tumanggi umano si Intalan, kasabay ng giit na “politically-motivated” ang mga alegasyon.
Batay sa magkakahiwalay sa salaysay nina Kagawad Roberto Vasquez, Josielyn Ebitner, Fernando Serrano, Edwin Eusebio at Erwin Ezer, naglalabas umano ng pondo si Intalan kahit walang resolusyon mula sa Sanggunian.
Hindi rin pinalampas ng mga kagawad ang umano’y kawalan ng bidding sa mga programa at proyekto ng barangay.
Taong 2025 pilit umanong pinapapirma ni Intalan ang mga miyembro ng Sangguniang Barangay sa mga dokumentong sagot sa Final Notice of Disallowance na inilabas ng Commission on Audit (COA).
Matapos ang pagsusuri sa mga ebidensyang isinumite sa pagdinig ng komite, naglabas ng hatol ang konseho — guilty sa tatlong alegasyon.
“After a careful evaluation of the testimonial and documentary evidence on record and upon majority vote of eight out of nine, the committee finds substantial evidence to hold the Respondent (Intalan) administratively liable,” saad sa isang bahagi ng desisyon ng konseho.
Kalakip naman ng hatol ang parusang suspensyon laban kay Intalan na una nang bumida sa viral video ng umano’y payroll padding sa Barangay Kalayaan.
