
Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
ALINSUNOD sa direktiba ng Pangulo, binitbit ng pamunuan ng Kamara ang tulong pinansyal para sa mga maralitang pamilya, kabataang mag-aaral at maliliit na negosyante bilang bahagi ng programa ng pamahalaan.
Kabilang sa mga ayudang tinukoy ni House Speaker Martin Romualdez, ang mga programang Cash Assistance and Rice Distribution (CARD), Integrated Scholarships and Incentives for the Youth (ISIP), at ang Start-Up, Investments, Business Opportunities and Livelihood (SIBOL) na naglalayong tulungan ang mga sektor na nangangailangan ng suporta mula sa pamahalaan.
“I am very pleased that these programs continue to flourish and continue to provide much-needed aid to our citizens who are not included in established social amelioration programs like the 4Ps. Patuloy nating popondohan ito sa Kongreso dahil nakikita natin ang kabutihang naidudulot nito sa ating mga mamamayan,” wika ng tagapamuno ng Kamara.
Para sa CARD program, umabot sa 10,000 Caviteños ang tumanggap ng tig-P5,000 cash aid at 10 kilong bigas sa isang simpleng seremonya ng pamamahagi sa Imus City Grandstand.
Ani Romualdez, ang pamamahagi ng tulong ay para sa hanay ng senior citizens, PWDs, single parents, indigenous peoples at mga hirap sa pang-araw araw na gastusin gamit ang pondo sa ilalim ng programang Ayuda Para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Kaugnay ng ISIP for the Youth na kabilang sa mga inisyatiba ni Romualdez, 5,000 estudyante sa Cavite ang nakatanggap ng tig-P5,000 at 5 kilo ng bigas sa programang idinaos sa Bacoor Elementary School.
Ang mga nasabing benepisyaryo ay binigyan ng tulong pinansyal habang nag-aaral sila sa kolehiyo at vocational education para tiyakin hindi maantala ang pagpasok sa eskwela sa pamamagitan naman ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) ng DSWD.
Meron din aniyang Tulong Dunong Program (TDP) ng Commission on Higher Education (CHED) ang inilatag para tulong-pinansyal kada taon ng mga mag-aaral sa kolehiyo, pagkakataon makapasok sa Government Internship Program (GIP) at mapabilang ang kanilang mga magulang o guardian na walang trabaho sa DOLE-TUPAD Program.
Ang pamamahagi ng tulong sa ilalim ng SIBOL Program ay isinagawa naman sa Maple Grove sa General Trias kung saan nakatanggap ang 10,000 MSME beneficiaries ng tig-P5,000 at limang kilong bigas.
“These programs reflect our dedication to ensuring that no Filipino is left behind. Whether through education, financial assistance, or entrepreneurship, we are providing opportunities for growth,” pahayag pa ni Romualdez.
“Our goal is to empower every Filipino to build a better future for themselves and their families.”