
Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
“COLONEL Garma is a woman disguised as a meek lamb, but deep inside her, she is a ruthless killer” – ang paglalarawan ni Surigao del Sur 2nd District Rep. Johnny Pimentel sa dating police officer na tinuturong utak sa pagpatay kay General Wesley Barayuga noong Hulyo 2020.
Partikular na tinukoy ni Pimentel si former Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma na di umano’y kinasangkapan ang posisyon sa gobyerno para walisin ang hindi sang-ayon sa pamamalakad ng nakalipas na administrasyon.
“Killing without mercy innocent people, killing without remorse innocent victims, especially in the war on drugs,” dagdag pa ni Pimentel kay Garma na kasapi ng Philippine National Police Academy (PNPA) Kapanalig Class of 1997, sa ikapitong pagdinig ng House Quad Committee.
Sa testimonya ni Police Lt. Col. Santie Mendoza, hayagang itinuro si Garma na di umano’y nag-utos ipatumba si Barayuga kapalit ang halagang P300,000 – bagay na sinegundahan naman ni Nelson Mariano na kumontak ng hitman.
Base sa affidavit ni Mendoza, nagsimula umano ang plano noong Oktubre 2019 nang kausapin siya ni noo’y Police Col. Edilberto Leonardo, na kasalukuyang commissioner ng National Police Commission (Napolcom) tungkol sa isang “special project” na bahagi ng giyera kontra droga noong nakalipas na administrasyon.
Sa kabila di umano ng pag-aalinlangan, napilitang sumunod si Mendoza dahil sa utos ni Garma, na kilalang “malapit” sa noo’y Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kanyang interpelasyon, sinabi ni Pimentel na si Garma ang nagplano ng pagpatay upang hadlangan si Barayuga sa paglalantad ng korapsyon sa loob ng PCSO, partikular sa mga operasyon ng Small Town Lottery (STL).
“The motive of the killing of Gen. Barayuga was to stop General Barayuga from testifying against Col. Garma. ‘Yun po ang totoong nangyari, Mr. Chair,” ang pahayag ni Pimentel sa Quad Committee na pinamumunuan ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers.
Ayon kay Pimentel, ang pagpatay kay Barayuga ay direktang konektado sa kanyang papel sa pagbubunyag ng korapsyon sa loob ng PCSO, partikular sa mga operasyon ng Small Town Lottery (STL).
“At the time of Gen. Barayuga’s killing, he was working with the NBI (National Bureau of Investigation) on an investigation into corruption at the PCSO,” ayon pa kay Pimentel.
Binanggit ni Pimentel ang sinabi ng noo’y officer-in-charge ng NBI na si Eric Distor, na si Barayuga ay “handa na lahat ng dokumento at, sa katunayan, handa siyang magpatotoo laban sa korapsyon at mga ilegal na gawain sa PCSO.”
Dagdag pa ni Pimentel, kay Garma rin galing ang sasakyang ginamit ni Barayuga sa araw na ito ay pinaslang.
“Yung nakita po niyong pick-up kanina na sinakyan ni Gen. Barayuga was given by Col. Royina Garma to make sure na ma-identify po si Gen. Barayuga. Kasi si Gen. Barayuga wala hong sasakyan yun,” punto pa ni Pimentel.
Dagdag pa niya: “Kaya mahirap po i-surveillance dahil walang routinary procedure. Kaya binigyan po ni Col. Garma ng bagong pick-up si General Barayuga. Yun kasi ang binigay na impormasyon niya kay Nelson Mariano. Pati ang plate number, description sa araw ng pagpaslang.”
Pinalawig ni Pimentel ang kanyang mga pahayag, kung saan inakusahan niya si Garma sa pag-organisa ng iba pang mga pagpatay, base sa mga testimonya at ebidensya mula sa iba’t ibang saksi at resource persons na ipinakita sa komite.
Hindi bababa sa apat na saksi ng Quad Comm ang nagsasangkot kay Garma para patayin din ang tatlong hinihinalang Chinese drug lords sa loob ng isang bilangguan sa Davao noong 2016 sa pagsisimula ng madugong giyera kontra droga ni Duterte.
Maging si former Cebu City Mayor Tommy Osmeña, ani Pimentel ay nag-ulat na noong si Garma ang hepe ng pulisya sa lungsod, 198 kaso ng pagpatay sa drug suspects ang naitala.
Rekomendasyon ni Pimentel – sampahan ng kasong murder sina Garma at Leonardo.