Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
TUMATAGINTING na P1-bilyong halaga ng tulong pinansyal at serbisyo sa ilalim ng programang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) ang ipinamahagi ng administrasyon sa hindi bababa sa 120,000 residente ng lalawigan ng Cavite.
Sa pagbubukas ng dalawang araw na BPSF Cavite leg, tiniyak ni House Speaker Martin Romualdez na ipagpapatuloy ng pamahalaan ang paghahatid ng iba’t-ibang programa at serbisyo direkta sa mga tao.
“Ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair ay patunay na walang maiiwan sa Bagong Pilipinas ng ating Pangulong BBM. Dito, mabilis, maayos, maginhawa at masaya ang serbisyong hatid natin sa bawat Pilipino,” pambungad na pahayag ni Romualdez.
“Ang tagumpay ng Serbisyo Fair ay isang halimbawa ng ating pagkakaisa para tiyakin na maramdaman ng bawat Pilipino ang presensya ng pamahalaan,” dugtong ng lider ng Kamara.
Sa pagtataya ni Romualdez, nasa P451 milyon sa kabuuang P1-bilyong tulong ang ipinamahagi sa anyong financial assistance at bigas (255,500 kilo).
Kabilang sa mga lumahok sa BPSF Cavite leg ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Labor and Employment (DOLE), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Layon ng TUPAD program ng DOLE magbigay ng panandaliang trabaho sa mga residente habang scholarship sa kasanayan ang hatid sa mga Caviteño para sa mas madaling paghahanap ng trabaho.
“Sa pamamagitan ng mga programang ito, natutulungan natin ang ating mga kababayan na makabangon at makahanap ng trabaho o kabuhayan,” wika ni Romualdez.
“The BPSF is a concrete example of how we can achieve more when we work together. Sa pagkakaisa ng lahat, mas mabilis nating nadadala ang serbisyo ng gobyerno sa bawat tahanan,” aniya pa.
Kasama rin sa mga pangunahing programang dala ng BPSF ang Tulong Dunong scholarship ng Commission on Higher and Technical Education (CHED) na ipinagkaloob sa mga estudyante at ang programa ng DSWD na Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) kung saan 70,000 indibidwal ang natulungan.
“Dito sa Bagong Pilipinas, walang maiiwan. Patuloy tayong magbibigay ng tulong at serbisyo sa bawat sulok ng bansa,” pahayag pa ng Leyte solon.
Samantala, iniulat din ni Romualdez na sa naunang 23 serbisyo caravans, umabot na sa P13 bilyon na tulong ang ipinagkaloob sa nasa may 2.8 milyong pamilya ang naihatid na sa naunang 23 BPSF.
“We will not stop until every Filipino feels the presence of our government through services that directly impact their lives,” garantiya ng House leader.
Kapwa pinasalamatan ni Romualdez ang lahat ng opisyal ng pamahalaan, kapwa nasa lokal o elected, national, regional, maging provincial levels gayundin ang mga masisipag na volunteers at mga nakibahaging ahensya para sa matagumpay na pagsasakatuparan ng BPSF.
“The success of the BPSF in Cavite is a step closer to achieving our goal – an inclusive government that leaves no Filipino behind,” aniya, na kumpyansang magiging mahusay din ang pagdaraos ng mga susunod pang BPSF.
“Magkaisa tayong lahat para sa isang Bagong Pilipinas, at sama-sama nating iparamdam sa bawat Pilipino ang malasakit at serbisyong handog ng pamahalaan.”