HINDI malayong makalusot muli sa bulilyaso ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) kaugnay ng pambababoy sa Chocolate Hills sa lalawigan ng Bohol.
Sa pagbisita ni Secretary Benhur Abalos ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa Captain’s Peak Resort sa bayan ng Sabayan ng naturang lalawigan, lumalabas na isang barangay chairman lamang di umano ang nagbigay ng pahintulot sa pagtatayo ng resort sa Barangay Libertad Norte sa sakop ng Chocolate Hills na idineklarang UNESCO World Heritage Site.
Paliwanag ni Abalos, ang naturang kapitan di umano ang umaktong presiding officer ng Protected Area Management Board (PAMB) nang lumabas ang resolusyon nagbibigay ng pahintulot sa pagpapatayo ng Captain’s Peak Resort.
Wala di umano ang kinatawan ng DENR sa naturang pulong.
“Noong nakita ko itong resolution na ginawa, kung hindi ako nagkakamali, wala ‘yung chairman ng DENR. Ang nag-chair ay isang barangay captain. Kaya naipasa itong tungkol sa Captain’s Peak,” wika ni Abalos.
Ayon sa Kalihim, pasok sa istruktura ng PAMB ang isang kinatawan mula sa DENR, gobernador, tatlong kinatawan ng distrito, 65 kapitan ng barangay at mga sugo ng iba pang ahensya ng pamahalaan.
Dahil sa bulilyaso sa Chocolate Hills, minabuti na rin aniya ng DILG na gumawa ng talaan ng mga protected areas na kanila di umanong sasadyain para malaman kung may kahalintulad na problema.
Lumikha na rin ang kagawaran ng isang task force para pag-aralan ang posibleng pananagutan ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan sa pagtatayo ng Captain’s Peak Resort sa loob ng protected area ng Chocolate Hills.
