
BUKOD kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo, binawian na rin ng buhay ang walong iba pang nadamay sa pamamaslang sa punong lalawigan noong Sabado ng umaga sa bayan ng Pamplona.
Kinilala ang iba pang biktimang sina Jessie Bot-ay, Barangay Kagawad Jose Marie Ramirez, Jomar Canseco, Crispin Vallega, Jerome Maquiling, Barangay Chairman Quinikito Florenda, Fatima, Sta Catalina, Retada Joseph at Fabugais Michael.
Bagamat may tatlong biktimang nakalabas na sa pagamutan matapos magtamo ng daplis, patuloy na nakikipagbuno sa kamatayan ang iba pang tinamaan ng balang pinaulan ng mga unipormadong suspek.
Ayon sa kalatas ng Philippine National Police (PNP), nasa kritikal na kondisyon pa rin sina Lestor Chris Arnold, Dr. Marlo Quilnet ng Negros, Oriental Public Hospital, Army Sergeant Edmar Sayon, Army Corporal Gerald Malones, Fredilito Cafe, Chyrell Garpen, Rosa Banquerigo, Vickmar Rayoso, Mayben Jun Torremocha, Nikki Espinas, Pedro Flores at isang mamamahayag na kinilala sa pangalang David Toryan Cortez.
Ganap na 11:41 ng umaga nang ideklarang wala ng buhay ang punong lalawigan na isinugod sa Silliman University Medical Center sa Dumaguete City matapos pasukin ng anim na suspek ang tahanan ng 56-anyos na biktimang noo’y namamahagi ng tulong sa mga residente na pinamumunuan lalawigan.
Kabilang sa nakikitang motibo ng mga kaanak ng gobernador ang hidwaan sa pulitika.
Higit na kilala si Degamo sa kontrobersyal na desisyon ng Commission on Elections kaugnay ng nakaraang halalan noong Mayo ng nakalipas na taon.
Sa naturang halalan, tinalo si Degamo ni Pryde Henry Teves na nakakuha ng 296,897 boto laban sa pinakamalapit niyang katunggaling si Degamo na mayroon lang 277,462 boto para sa posisyon ng gobernador.
Gayunpaman, binaliktad ng Comelec ang resulta ng halalan pabor kay Degamo sa bisa ng petisyon nagsusulong sa diskwalipikasyon ng isang nuisance candidate sa pangalang Grego Gaudia na gumamit ng pangalang Ruel Degamo bilang alyas.
Pinalitan ni Degamo si Teves na nagsilbing gobernador sa loob lang ng apat na buwan.