ASAHAN ang mas matinding dagok ng walang saysay na karahasan sa hanay ng mga kabataan kung mananatiling kapos ang implementasyon ng Anti-Hazing Law, ayon kay Sen. Grace Poe matapos mamatay ang isang estudyante ng Adamson University kamakailan sanhi ng hazing.
Sa pahayag, sinabi ni Poe, chairman ng Senate committee on public services na kailangan tiyakin ng awtoridad na protektahan ng batas ang mga kabataang lumalahok sa aktibidad na dapat yumayakap sa konsepto ng isang mabuting mamamayan at magiliw sa kapwa.
“Fraternity-related deaths have not stopped, and sadly, the implementation of the Anti-Hazing Law has been wanting,” giit ni Poe, na tumutukoy sa pagkamatay ng isang miyembro ng Tau Gamma Phi fraternity.
Ani Poe, nagbubuwis ng buhay ang kabataan sanhi ng karahasan laban sa kanila at nagsulot ng paghihinagpis sa kanilang pamilya.
“Hazing victims must see justice to avert breeding a wider culture of impunity against our young people,” ayon kay Poe.
Kamakailan, natagpuan ang bangkay ni John Matthew Salilig, isang chemical engineering student ng Adamson University sa isang madawag na talahiban sa Imus, Cavite, matapos dumalo sa ‘welcoming rites’ ng Tau Gamma Phi sa lalawigan ng Laguna.
Umabot sa 17 miyembro ng naturang grupo ang sumasailalim sa imbestigasyon kaugnay ng kinahatungan ni Salilig sa kamay ng kapatirang Tau Gamma Phi.
Itinuturing naman ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na “pure evil” ang hazing at lahat ng uri ng karahasan sa fraternities at iba pang organisasyon na dapat nang wakasan.Kinondena din ni Villanueva ang pagkamatay ni Salilig sanhi ng hazing.
“We send our sincerest condolences to John Matthew’s family who are deeply saddened at this time,” ayon kay Villanueva.
“It saddens me as a member of Tau Gamma Phi because it’s not part of what the fraternity believes and fights for. The strength of the organization and brotherhood can never be measured through hazing or other types of violence,” ayon sa lider ng Senado.