HINDI na umabot sa piitan ang ika-apat na suspek na pinaniniwalaang nasa likod ng pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo, matapos masawi sa di umano’y engkwentro.
Narekober din sa Barangay Cansumalig sa Bayawan City ng pulisya ang mga armas at pampasabog na pinaniniwalaang ginamit sa pagpatay kay Degamo sa kanyang tahanan sa bayan ng Pamplona noong Sabado ng umaga.
Ayon kay Lt. Col. Gerard Ace Pelare na tumatayong tagapagsalita ng Special Investigation Task Group (SITG) Degamo, nadiskubre ang samu’t-saring armas at pampasabog kung saan unang nakuha ang mga sasakyang ginamit sa pagtakas ng mga suspek matapos ang pamamaslang.
Kabilang sa mga natagpuang armas ang limang assault rifles (5.56mm), isang B40 rocket-propelled grenade launcher na kargado ng bala, mga ‘bandoliers na may kasamang plaka, at mga uniporme ng militar.
Arestado rin sa follow-up operation na ikinasa ng Philippine National Police (PNP) ang tatlo sa anim na salarin – sina Joric Labrador, Joven Aber at Bejie Rodriguez na pawang dating militar na sinibak di umano sa serbisyo matapos masangkot sa kalakalan ng droga.
Ganap na 11:41 ng umaga nang ideklarang wala ng buhay ang punong lalawigan na isinugod sa Silliman University Medical Center sa Dumaguete City matapos pasukin ng anim na suspek ang tahanan ng 56-anyos na biktimang noo’y namamahagi ng tulong sa mga residente na pinamumunuan lalawigan.
Dakong alas 2:00 hapon na parehong araw, narekober ng pulisya sa Barangay Kansumalig ang Mitsubishi Pajero (NQZ-735) at Mitsubishi Montero (YAP-735) na pinaniniwalaang ginamit ng mga suspek sa pagtakas.
Kabilang sa nakikitang motibo ng mga kaanak ng gobernador ang hidwaan sa pulitika.
Higit na kilala si Degamo sa kontrobersyal na desisyon ng Commission on Elections kaugnay ng nakaraang halalan noong Mayo ng nakalipas na taon.
Sa naturang halalan, tinalo si Degamo ni Pryde Henry Teves na nakakuha ng 296,897 boto laban sa pinakamalapit niyang katunggaling si Degamo na mayroon lang 277,462 boto para sa posisyon ng gobernador.
Gayunpaman, binaliktad ng Comelec ang resulta ng halalan pabor kay Degamo sa bisa ng petisyon nagsusulong sa diskwalipikasyon ng isang nuisance candidate sa pangalang Grego Gaudia na gumamit ng pangalang Ruel Degamo bilang alyas.
Pinalitan ni Degamo si Teves na nagsilbing gobernador sa loob lang ng apat na buwan.