NI ESTONG REYES
KINASTIGO ng mga katutubong Dumagat-Remontados ang anila’y kabiguan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na pangalagaan ang Upper Marikina River Protected Landscape (UMRPL) at kanilang ancestral domain mula sa land grabbers na nagpapanggap bilang environmental advocates.
Pag-amin ni Alex Bendaña na tumatayong lider ng mga katutubong Dumagat-Remontado na nakabase sa Barangay San Ysiro, malaking bahagi na ng watershed ang tinayuan ng mga maykayang angkan at mga banyagang nagmamay-ari ng mga naglalakihang istruktura.
Para kay Bendaña, unti-unting pinapatay ng pamahalaan, partikular ng kagawaran, ang nasa 800 pamilyang katutubong naninirahan at umaasa sa kabuhayan ng pagtatanim sa kabundukang bahagi ng Baras, at Antipolo City.
Higit pa sa sabwatan sa pag-iisyu ng clearance sa DENR, lubha rin ikinabahala ni Bendaña ang planong pag-abolish sa Indigenous Peoples’ Rights Act (IPRA).
Aniya, imbes na palakasin at pagtibayin ang IPRA na kaisa-isang batas na nagpoprotekta sa kanila (katutubo) ay plano pa itong i-abolish para paboran ang iilan na may interes sa mga ancestral domain.
“Nabalitaan namin na may nagsusulong sa Kongreso na i-abolish ang IPRA… ‘yun na nga lang po tanging batas na kalasag ng mga katutubo tapos aalisin pa nila,” pahayag pa ni Bendaña.
Partikular na binanggit ng Dumagat-Remontado chieftain ang 13,000 hectares ng ancestral domain na katabi ng Upper Marikina River Basin Protected Landscape.
Lumabas sa records na ang UMRPL pa lamang na 26, 126 hectares, ay patuloy na nawawala ang mga puno at laganap ang pagkasira ng mga tirahan dahil sa pagputol ng mga puno, pagtatayo ng residential subdivision at paglalagay ng commercial establishments kung saan nabawasan ang watershed area ng 408 hectares sa loob ng isang taon.
Sa Dumagat-Remontado ancestral domain na area ay mahigit sa kalahati ang nawala kasunod ng 2017 Memorandum of Agreement (MOA) na pinasok ng namayapang si DENR Secretary Gina Lopez sa Blue Star Construction and Development Corporation na kalaunan ay tinawag na Masungi Georeserve.
“Wala na po kaming pupuntahan kapag nawala pa ang IPRA. Kung meron man dapat ang gawin ang pamahalaan, repasuhin at palakasin ang IPRA. Hindi nila ‘yan pwede ibasura kasi wala na kami mapupuntahan… hindi kami mabubuhay kung magpapakalat-kalat kami sa Maynila at magpapalipas ng gabi sa ilalim ng tulay,” ayon pa sa mga katutubo.
“Ang aming mga ninuno, pati kami ay dito na ipinanganak tapos ngayon aangkinin ang ancestral domain ng kung sino-sino na lang,” ayon pa sa mga katutubo.
