
Ni ESTONG REYES
TAPOS na ang paghahari-harian ng isang pamilya sa likod ng Masungi Georeserve Foundation, matapos aminin ng mga opisyales ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na walang bisa ang kasunduang nilagdaan ng yumaong Environment Secretary Gina Lopez noong taong 2017.
Sa ginanap na pagdinig ng Senado kaugnay ng kabi-kabilang bulilyaso sa loob ng mga protected areas, pinuntirya ni Sen. Cynthia Villar ang “perpetual contract” na iginawad ng DENR sa Blue Star Construction and Development Corporation na pag-aari ng pamilya Dumaliang.
Pag-amin ni Environment Secretary Antonia Yulo-Loyzaga, pinoproseso na aniya ang kanselasyon ng Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Blue Star at DENR.
“This is a matter of legal question and we are aware of the circumstances that surrounded the signing of this contract. We do have an opinion from the Department of Justice (DOJ) as of this moment that actually says that it is unconstitutional.”
“The legal grounds for the cancellation are what we are calling voidance, given the advice of the DOJ,” wika ni Yulo-Loyzaga.
Ayon naman kay DENR Undersecretary Ernesto Adobo, inirekomenda na ng kanyang tanggapan ang pagbasura sa naturang MOA na nnaggawad sa Blue Star ng kontrol sa hindi bababa sa 2,700-ektaryang lupa sa mga bayan ng Baras, Tanay at Antipolo sa lalawigan ng Rizal.
“It is void from the very beginning,” ani Usec. Adobo.
Dito na muling humirit si Villar – “If it’s void then it doesn’t exist. How come they are still there?”
Walang ibinigay na sagot ang mga DENR officials.