
HINDI pa man nagsisimula ang panahon ng kampanya, sumiklab na agad ang karahasan sa katimugan matapos tambangan ng mga armadong suspek ang provincial election supervisor ng Sulu.
Sa paunang ulat ng pulisya, sugatan sa pananambang na nangyari sa Barangay Sta. Maria ang hindi pinangalanang kapatid ni Sulu provincial election supervisor Julie Vidzfar.
Sa isang pahayag, kinumpirma ni Commission on Elections (Comelec) chairman George Garcia ang pananambang sa election supervisor ng Sulu dakong alas 10:00 noong Sabado ng umaga.
Ani Garcia, patungo sa airport ang magkapatid nang bulagain ng mga armadong kalalakihan ang sasakyan ni Vidzfar sa Barangay Santa Maria sa Zamboanga City.
Samantala, hinikayat ni Garcia ang Philippine National Police (PNP) na magsagawa ng malalimang imbestigasyon hinggil sa naturang insidente.