ISA ang binawian ng buhay habang nasa 30 iba pa ang patuloy na nilalapatan ng lunas sa pagamutan bunsod ng isang aksidente sa kahabaan ng North Luzon Expressway (NLEX) sa bahagi ng San Fernando, Pampanga.
Batay sa ulat ng lokal na pulisya, binabagtas ng AUV na may dalawang sakay ang NLEX nang biglang salpukin ng minibus na may lulang 30 pasahero. Nasa isang direksyon lang ang dalawang sasakyan.
Sa salaysay ng drayber ng minibus, nawalan ng kontrol ang minamanehong sasakyan hanggang sa mahagip ang AUV. Kabilang ang hindi tinukoy na drayber sa mga sugatan sa insidente.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa nasabing insidente.
