BAKASYON grande ang punong lalawigan ng Nueva Ecija sa susunod na 12 buwan matapos magpasya ang Office of the Ombudsman na patawan ng suspensyon si Gov. Aurelio Umali.
Ang dahilan — irregularidad sa likod ng pag-iisyu ng quarry permits mula 2014 hanggang 2016.
Sa kalatas ng Office of the Ombudsman, hinatulang guilty si Umali bunsod ng umano’y pagpirma sa 205 quarry permits sa mga mining companies sa kabila ng kawalan ng Environmental Compliance Certificate (ECC) mua sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Sa desisyon ng Ombudsman, si Umali ay napatunayang lumabag sa Section 25(2) ng Republic Act 6770, OMB Act of 1989, at Section 10(b), Rule III ng Administrative Order No. 7 ng Rules of Procedure ng graft court.
Bilang kaparusahan, isang taong suspensyon ang iginawad ng Ombudsman sa nabanggit ng punong lalawigan.
Nag-ugat ang kaso sa reklamo ng isang Roberto Duldulao na nagbunyag ng umano’y ‘hokus-pokus’ ni Umali sa 205 Commercial Sand and Gravel Permits (CSGPs) na iginawad sa mga hindi kuwalipikadong haulers.
“There is a basis to hold Aurelio Umali administratively liable. He was remiss in his duty to ensure the enforcement and compliance with all laws, rules and regulations within his jurisdiction,” ayon sa desisyon ng Ombudsman.
Iginiit din ng Ombudsman na sumablay din ang pamahalaang panlalawigan sa pagre-remit ng tamang koleksyon para sa buwis mula sa quarry operation sa nasasakupang lalawigan.
Hindi aniya katanggap-tanggap ang idineklarang quarry collection ng Kapitolyo ng Nueva Ecija noong 2014 hanggang 2016.
Sa ulat ng Commission on Audit, kulelat sa quarry collection ang Nueva Ecija na nagdeklara lang ng halos P400,000 kita noong 2022 at P1 milyon naman noong 2023.
