NI ANGEL F. JOSE
KUNG mayroong dapat sumuri sa kontrobersyal na flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH), iyon ay ang Commission on Audit (COA) na may mandatong tiyakin walang irregularidad sa mga proyektong tinustusan gamit ang buwis ng bawat Pilipino.
Sa isang kalatas, ibinahagi ng COA ang napipintong pag-arangkada ng audit sa flood control projects sa Bulacan, sa hangaring tukuyin at sampahan ng kaso ang mga kontratista at mga kasapakat sa DPWH.
Batay sa memorandum order na nilagdaan ni COA Chairperson Gamaliel Cordoba, iniutos ang paglulunsad ng imbestigasyon sa umano’y irregularidad sa flood control program ng pamahalaan.
Sa memorandum na inilabas, binigyang-diin ni Cordoba ang importansya ng pagsusuri sa mga proyektong pinondohan ng gobyerno.
Para kay Cordoba, hindi uubra ang pangkaraniwang pagsusuri. Aniya, pinakamainam na ilatag ang tinwag niyang “fraud audit.”
Sakop ng audit ang mga proyekto ng DPWH sa Bulacan na may tumataginting na P44 bilyon — ang pinakamalaki sa buong Central Luzon region.
Sa kabuuan, P98 bilyon ang inilaan para sa Central Luzon — 45 percent ng nasabing halaga, napunta sa mga palpak na flood control projects sa Bulacan.
Bukod sa Bulacan, target din ng CIA silipin ang iba pang proyekto kontra baha ng naturang departamento. Sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act, P548 bilyon ang inilaan para sa mga flood control projects sa buong bansa.
