
NANANATILING baha ang ilang bahagi ng bunsod ng walang tigil na buhos ng ulang dala ng bagyong Falcon at hanging Habagat.
Sa Barangay Meysulao sa bayan ng Calumpit, nananawagan ng saklolo ang mga residente na-stranded sa kani-kanilang tahanan bunsod ng lagpas-taong tubig baha.
Hanggang dibdib naman ang lalim ng baha sa Barangay Sapang Bayan.
Anila, hindi na rin makapasok ang mga truck na karaniwang sumusundo sa mga apektadong residente sa tuwing may baha sa naturang lokalidad.
Ayon sa isang residente, lubha nilang ikinabigla ang mabilis na pagtaas ng tubig-baha.
Sa lungsod ng Malolos, paralisado rin ang byahe ng mga pumapasadang sasakyan bunsod ng hanggang tuhod ang lalim ng baha.
Pahirapan na rin ang supply ng mga pangunahing pangangailangan matapos magsara ang mga pamilihang nakalubog na rin sa baha.
Sa pagtataya ng Malolos City Disaster Risk Reduction and Management Office, nasa 39 na barangay ang apektado ng kalamidad.
Samantala, hindi pa rin madaanan ng mga motorista sa bahagi ng MacArthur Highway na sakop ng munisipalidad ng Balagtas.
Taliwas naman ang nangyari sa Marilao kung saan iniulat ang unti-unting paghupa ng baha.