SA pagtatapos ng ika-28 Police Community Relations Month, nasungkit ng lokal na himpilan ng Luisiana ang pagkilala bilang Most Outstanding Class C Municipal Police Station sa buong Calabarzon Region.
Sa lingguhang flag-raising ceremony na ginanap sa Camp Vicente Lim sa lungsod ng Calamba sa lalawigan ng Laguna, pormal na iginawad ni Philippine National Police (PNP) Calabarzon regional director Brig. Carlito Gaces ang natatanging pagkilala kay Major Glenn Cuevas na tumatayong hepe ng Luisiana Police Station.
Partikular na pinuri ni Gaces ang Luisiana PNP Community Affairs and Development para sa mainit na pagtanggap ng mga residente ng nasasakupang bayan sa mga programa ng kapulisan – kabilang ang “Barangay at Pulisya, Magkaagapay,” “Pulis Alerto 24” at “Malasakit program sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan ng Luisiana sa pamumuno ni Mayor Jomapher Alvarez, at mga katuwang sa pribadong sektor.
Pagtitiyak ni Cuevas, mas paigtingin pa ng lokal na pulisya ang pakikipag-ugnayan sa mga komunidad sa hangaring maibalik ang tiwala ng publiko sa PNP, sa kabila pa ng mga kinasangkutan kontrobersiya nitong mga nakalipas na mga buwan.