
Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
KUNG meron man digmaang dapat paghandaan, ito’y ang giyera laban sa katiwalian, kahirapan at kawalan ng hustisya, mensahe ni House Speaker Martin Romualdez sa kanyang talumpati kasabay ng paggunita ng ika-126 Araw ng Kalayaan sa Barasoain Church sa Malolos, Bulacan.
Para kay Romualdez, ang tinatamasang kalayaan ng sambayanan ay may kalakip na responsibilidad, partikular ang paglaban sa mga suliraning bumabalot sa lipunan, kasabay ng hamon sa bawat mamamayan na itaguyod ang pagkakaroon ng isang makatarungang lipunan.
Nakasama ni Speaker Romualdez sa event ang ilang miyembro ng Kamara de Representantes at mga lokal na opisyal sa pangunguna ni Bulacan Gov. Daniel Fernando.
“Sa araw na ito, hindi lamang natin ginugunita ang kanilang kabayanihan kundi tinatanggap din natin ang hamon na kanilang iniwan,” pahayag ni Romualdez, sa harap ng mga kapwa kongresista at mga lokal na opisyal ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Gov. Daniel Fernando.
“Ang kalayaan ay hindi lamang isang pribilehiyo kundi isang responsibilidad. Tayo, bilang mga Pilipino sa makabagong panahon, ay may tungkulin ipagpatuloy ang laban para sa kalayaan – hindi lamang laban sa mga mananakop, kundi laban sa kahirapan, katiwalian, at kawalan ng katarungan,” dugtong niya.
Nanindigan din ng lider ng Kamara na ang Araw ng Kalayaan ay isang paalala sa kahalagahan ng pagkakaisa tungo sa maunlad at makatarungang lipunan.
“Ang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ay hindi lamang pagbabalik-tanaw sa ating makulay na kasaysayan. Pagkakataon din ito para tayo’y magkaisa sa pagbuo ng isang mas maunlad at makatarungang lipunan. Sa bawat hakbang natin tungo sa kaunlaran, nawa’y lagi nating tandaan ang mga aral ng nakaraan at ang mga sakripisyo ng ating mga ninuno,” aniya pa.
“Isang malaking karangalan na makasama kayo sa pagdiriwang natin ng Araw ng Kalayaan dito sa makasaysayang Simbahan ng Barasoain sa Bulacan. Mahalaga ang papel ng Simbahan ng Barasoain sa ating kasaysayan. Dito isinilang ang Unang Republika ng Pilipinas, ang kauna-unahang demokratikong republika sa Asya,” dugtong ni Romualdez.
“Ang mga sakripisyo at kabayanihan ng ating mga ninuno dito sa Barasoain ay isang paalala sa atin ng tunay na diwa ng kalayaan. Sa kanilang tapang at determinasyon, natamo natin ang ating kalayaan. Sila ang nagbigay ng daan upang tayo ay mamuhay nang malaya at marangal. Dito sa Simbahan ng Barasoain, nagbubuklod-buklod ang ating mga ninuno upang itaguyod ang isang bansang malaya at may dignidad,” wika pa nya.
Binati rin ni Speaker Romualdez ang kanyang mga kasama at lokal na opisyal at ang sambayanang Pilipino ng masaya at makabuluhang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan.
“Sa ating lahat, isang maligayang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan! Nawa’y patuloy tayong magsilbing inspirasyon sa isa’t isa. Sama-sama nating itaguyod ang isang bansang tunay na malaya, makatarungan, at maunlad.”