Ni LILY REYES
ISANG karimarimarim na tagpo ang gumulantang sa mga parokyano ng Sto. Domingo Church matapos matagpuan ang sa loob mismo ng simbahan ang isang kahong naglalaman ng isang patay – at naaagnas na sanggol.
Batay sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), bandang 6:50 ng gabi ng Hunyo 12 nang nang matagpuan ang fetus sa loob ng naturang simbahan sa kahabaan ng Quezon Avenue sa Quezon City.
Sa imbestigasyon ni PMSG Alvin Quisumbing, isang usherette ng simbahan na kinilala sa pangalang Mercy Reyes, ang unang nakapuna sa aniya’y masangsang na amoy sa loob ng bahay dalanginan.
Sa pagnanais na ipalinis, dagling hinanap ni Reyes ang pinagmumulan ng masangsang na amoy hanggang sa mapansin ang isang kulay rosas na kahapon ng sapatos. Nang usisain, tumambad ang agnas na katawan ng fetus na may limang pulgada ang haba.
Agad na ipinaalam ng usherette ang natagpuang fetus sa duty security guard na siya namang tumawag sa himpilan ng lokal na pulisya.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon sa hangaring matukoy ang taong nag-iwan ng patay na sanggol.
