
TALIWAS sa idineklarang P37 milyong yaman ni suspended Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves, bilyon-bilyon ang target silipin ng Department of Justice (DOJ) sa tulong ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Pag-amin ng abogado ni Mayor Janice Degamo (byuda ng pinaslang na Negros Oriental Gov. Roel Degamo), nakikipag-ugnayan na ang National Bureau of Investigation (NBI) sa AMLC para kalkalin ang pinaghuhugutan ng yaman ng pamilyang Teves na ikinantang sangkot sa kalakalan ng droga at ilegal na operasyon ng e-sabong sa Visayas at Mindanao.
Batay sa isinumiteng Statement of Assets and Liabilities and Networth (SALN) ni Teves noong 2016, mayroon lamang di umanong P37 milyon ang kongresistang tinuturong utak sa likod ng pamamaslang kay Gov. Degamo noong Marso 4.
Sa liham ng naulilang asawa ni Degamo, nagmamay-ari di umano ang nagtatagong mambabatas ng ilang helicopters na nagkakahalaga ng P200 milyon kada unit – bukod pa sa segunda manong private jet na binili ni Teves sa halagang P600 milyon.
Aniya pa, ipinagyayabang rin ng pamilyang Teves sa social media ang mga sports car at mga bullet-proof vehicles ng gamit ng naturang angkan.
Kamakailan lang, nasamsam ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang nasa P19 milyon cash, mga mataas na kalibre ng baril at mga pampasabog matapos pasukin ang mansyon pag-aari di umano ni former Gov. Henry Pryde Teves sa Barangay Caranoche, bayan ng Sta. Catalina sa naturang lalawigan.
“It was discussed during a meeting with Justice Secretary (Crispin) Remulla and Interior and Local Government Secretary (Benjamin) Abalos that the AMLC has to come in to look into the apparent illegal financial transactions of the Teveses, particularly Arnie, Henry, Kurt and AXL,’’ ayon kay Atty. Levito Baligod na tumatayong abogado ng mga Degamo.
Nanawagan rin ang pamilya Degamo sa AMLC na kalkalin ang mga bank accounts ng mga arestadong suspek sa Degamo slay para matunton ang sinasabing P50 milyon na bayad umano sa pagpatay sa kay pumanaw na gobernador.