SA kabila ng mga paandar ng administrasyon, nananatiling pinakapobre sa bansa ang hanay ng mga mangingisda, batay sa pag-aaral ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa datos na inilabas ng PSA, nagtala ng 30.6% poverty incidence ang mga Pilipinong mangingisda – pinakamataas sa mga nakalipas na dekada.
Nasa ikalawang pwesto naman ang mga magsasaka na nakasungkit ng 30% poverty incidence, kasunod ang 26.4% sa hanay ng mga kabataan, habang nakapagtala naman ng 25.7% ang mga mamamayang Pilipino sa mga kanayunan.
“These sectors had the highest proportion of individuals belonging to families with income below the official poverty thresholds compared to the other basic sectors,” ayon sa PSA.
Gayunpaman, nilinaw ng ahensya na hindi lamang ang sektor ng agrikultura, kabataan at mga residente sa mga liblib na pamayanan ang dumaranas ng kahirapang dulot ng bagsak na ekonomiya sa nakalipas na tatlong taon.
Katunayan anila, maging ang mga residente sa mga pangunahing lungsod na mayroong 11.6% poverty incidence, dumaranas ng paghihirap.
Mula 2018, tumaas ng 4% ang antas ng kahirapan ng mga mangingisda, habang pinakamarami naman ang apektado sa hanay ng mga mamamayang nakatira sa mga kanayunan at malayong probinsya.