BAHAGYANG nakahinga ang lokal na pamahalaan sa usapin ng droga makaraang mahulog sa patibong ng pulisya ang isang high-value target na pinaniniwalaang nagpapalaganap ng ipinagbabawal na gamot sa bayan ng Pagbilao sa lalawigan ng Quezon.
Kinilala ni Quezon Provincial Police Director Col. Ledon Monte ang suspek sa pangalang Samuel Marino alyas Sam, 23-anyos at residente ng Brgy. Sta. Catalina, ng nasabing lokalidad.
Sa ulat ng pulisya, timbog ang suspek makaraang bentahan ng droga ang isang operatibang nagpanggap na buyer.
Nakuha sa pag-iingat ni Marino 15 pakete ng hinihinalang shabu. Sa imbentaryo, nagkakahala ng hindi bababa sa P3.6 milyong ang drogang tumimbang ng 180 gramo.
Ayon kay Monte, matagal ng minamanmanan ng mga operatiba si Marino dahil sa kanyang mga drug activities.
Kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act) kinakaharap ng suspek na nakapiit sa Pagbilao Custodial Facility.
“Ito ang isa sa pinagtutuunan natin ng pansin, yung mga malalaking drug personality para hindi na sila makapambiktima pa ng mga kababayan natin,” ani Monte.
“Kasabay rin nito yung mga awareness campaign natin para ipaalam sa ating mga kababayan yung masamang epekto ng iligal na droga.”