KUMPISKADO sa mga operatiba ng Bureau of Customs (BOC) sa Subic ang hindi bababa sa 30 containers matapos mabistong asukal ang laman ng kargamentong idineklarang tsinelas mula sa bansang Hong Kong.
Sa kalatas ng Port of Subic, nasa P86 milyon ang katumbas na halaga ng mga nasamsam na kargamentong una nang tinukoy sa timbre ng isang impormante kaugnay ng pagpasok ng mga dambuhalang containers sa naturang pasilidad.
Agad naman naglabas ng Pre-Lodgment Control Order si District Collector Maritess Martin matapos matanggap ang sipi ng intelligence report mula sa BOC Intelligence and Enforcement Group hinggil sa mga kargamentong laman ng mga 20-footer containers na idineklarang ‘slipper outsoles’ at ‘styrene butadiene rubber’ mula sa bansang Hong Kong.
Sa isinagawang imbentaryo ng kawanihan kasama sina Assistant Secretary James Layug ng Department of Agriculture (DA), at mga kinatawan mula sa Sugar Regulatory Administration (SRA), lumalabas na 15,648 na sako ang kabuuang dami ng mga ipinuslit na asukal.
Nahaharap naman sa patong-patong na kaso – kabilang ang SRA-BOC Joint Memorandum Order 04-2002 at Republic Act 10863 (Customs Modernization and Tariff Act) ang hindi pa tinutukoy na importer na bulilyasong kargamento.
Samantala, binigyan-pugay naman ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio ang Port of Subic sa tagumpay na pagkakasabat ng smuggled na asukal sa naturang distrito.
“The Bureau of Customs’ continuous efforts in combating illicit goods at the border has been very effective with the help of our partner agencies. With this, I’d like to commend the Port of Subic and remind them to remain steadfast in protecting our borders,” ani Rubio.
Nagbabala naman si Martin sa ibang magtatangkang magpalusot sa kanang nasasakupang distrito.