SINAMANTALA ng hindi pa nakikilalang armadong grupo ng mga kalalakihan ang karimlan para bulagain ng isang pagsalakay ang isang kampo ng militar sa Lamitan Basilan.
Ayon kay Philippine Army 101st Infantry Brigade Commander Col. Frederick Sales, tatlong sundalo ang nasugatan nang paulanan ng bala kagabi ng armadong grupo ang kampo sa Barangay Campo Uno sa lungsod ng Lamitan.
Aniya, tumagal ng 20 minuto ang putukan ng sa pagitan ng militar at mga suspek.
Nang humupa ang sitwasyon, sugatan ang tatlong sundalong agad na isinugod sa pagamutan.
Samantala, dakong tanghali kanina nang ideklarang ligtas na sa kamatayan ang mga sundalong tinamaan ng bala.
Isinailalim na rin sa heightened alert ang buong lalawigan ng Basilan. (EDWIN MORENO)
