HINDI pa man naghihilom ang pagdadalamhati ng bansa sa tatlong magkakasunod na karahasan sa paaralan, isang panibagong insidente ng barilan ang naitala ng pulisya sa Davao de Oro.
Sa ulat ng Philippine National Police (PNP), sugatan ang isang lalaki makaraang paulanan ng bala pagkatapos dumalo sa graduation ceremony sa labas ng Kolehiyo ng Pantukan sa nasabing lalawigan.
Ayon sa lokal na pulisya, nangyari ang insidente sa kahabaan ng national highway sa Purok Gemelina, Barangay Kingking.
Kwento ng mga saksi, pasakay na sana sa isang minivan ang biktima kasama ang kanyang mga kaanak nang barilin ng mga armadong kalalakihang lulan ng isang gray na van na walang plaka.
Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang mga salarin. Agad naman dinala sa pagamutan ang biktimang nasa maayos nang kondisyon.
Sa isang pahayag, nilinaw ng lokal na pamahalaan ng Pantukan na nangyari ang insidente sa labas ng campus.
