
SA takot na matulad na kinahantungan ni Negros Oriental Gov. Roel Degamo, nagpasaklolo na rin ang iba pang mga elected local officials mula sa iba’t ibang munisipalidad ng Negros Oriental sa Philippine National Police (PNP).
Hiling ng mga hindi tinukoy na opisyales, security escorts mula sa PNP. Ang dahilan – may nagbabanta din daw sa kanila.
Ayon kay PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., malaking bentahe sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa naturang lalawigan ang paglantad ng mga pinagbabantaang lokal na opisyales.
Pagtitiyak pa ng PNP chief, patuloy ang isinasagawang ‘threat assessment’ ng pulisya sa Negros Oriental at ssa iba pang lalawigan bilang tugon sa direktiba ng Palasyo.
Sa pagbisita kamakailan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Defense Sec. Carlito Galvez sa burol ng pinaslang na gobernador, personal na dumulog ang ilang alkaldeng kaalyado ni Degamo.
Pag-amin ng mga lokal na opisyales, malaking problema sa mga nakalipas na panahon ang kapayapaan at kaayusan sa kanilang lalawigan.
Gayunpaman, nananitiling tikom ang bibig ng mga nasabing local executives kaugnay ng pamamaslang kay Degamo sa takot na madamay sa sigalot ng ‘nag-uumpugang bato.’