
SA hangaring isulong ang karapatan at kalayaan ng mga kababaihan, iminungkahi ng isang senador na pahitulutan ang mga kababaihang mag-aaral na magsuot ng pantalon bilang uniporme sa pinapasukang eskwelahan.
Partikular na isinusulong ni Sen. Raffy Tulfo sa kanang inihaing Senate Bill 1986 ang tinawag niyang mandatory gender-neutral uniform option na aniya’y magbibigay laya sa mga estudyanteng babae ng kalayaang mamili sa unipormeng gagamitin sa pagpasok sa eskwela – bestida o pantalon.
Para kay Tulfo, hindi dapat ipagkait sa hanay ng mga kababaihan ang “freedom of choice, gender equality and safety” sa anumang antas sa paaralan, kesehodang private school o pampublikong paaralan.
“The right of young women to wear trousers to school needs to be a given, and not a privilege that needs to be argued for in each individual case,” ayon sa panukala.
Paniwala ng senador, napapanahon nang ibasura ang tradisyong nagtutulak sa aniya’y ‘gender inequality,’ kasabay ng giit na marapat isaalang-alang ang pagiging kumbinyente ng mga babaeng estudyante sa paglalakbay patungo o galing sa paaralan, naglalakad man o lulan ng motorsiklo.
Bukod aniya sa ginhawa sa pagkilos, iwas-dengue rin ang pagsusuot ng pantalon.
Sa datos ni Tulfo, pumalo na sa 220,000 ang naitalang kaso ng dengue sa mga paaralan.
“Our students require greater safety as classes also coincide with the rainy season where dengue cases are at peak,”
“To save lives and mitigate infection, wearing long sleeves and pants is one of the easy precautions one may take to avoid getting bitten by mosquitoes that spread dengue,” aniya pa.
Malaking bentahe rin ang pantalon aniya sa pag-iwas na pambabastos at panunudyo sa hugis ng katawan ng mga babaeng mag-aaral.