
MATAPOS ang anim na taon, naglabas ng mandamiento de arresto ang husgado laban kay Daraga, Albay Mayor Carlwyn Baldo kaugnay ng pagpatay kay dating Ako Bicol partylist Rep. Rodel Batocabe at security escort Police Master Sgt. Orlando Diaz noong 2018.
Agad naman tumugon ang Philippine National Police (PNP) na nagdispatsa ng mga operatiba para dakpin si Baldo na nahaharap sa two counts ng kasong murder – isang asuntong walang piyansa alinsunod sa umiiral na batas.
.Gayunpaman, bigo ang mga pulis na dakpin ang alkaldeng hindi na dinatnan sa kanyang tahanan sa Barangay Tagas ng nasabing bayan.
Walang inirekomendang piyansa para sa local chief executive na di umano’y utak sa likod ng pagpatay kina Batocabe at Diaz sa isang gift-giving activity sa Barangay Burgos anim na taon na ang nakalipas.
Una nang inaresto si Baldo sa kasong illegal possession of firearms and explosives noong 2019 subalit agad din nakalaya sa bisa ng piyansa.
Taong 2022 nang tumakbo at nanalo si Baldo sa posisyon ng alkalde laban sa noo’y incumbent Mayor Mayor Victor Perete.