Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
SA pagpapatuloy pasada ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF), tumataginting na P563-milyong halaga ng cash aid at serbisyo ang ibinahagi ng pamahalaan sa hindi bababa sa 60,000 Batangueño.
Sa isang kalatas, personal na pinangasiwaan ni House Speaker Martin Romualdez -ang ika-22 BPSF na ginanap sa lalawigan ng Batangas.
Bukod kay Romualdez, kabilang din sa mga dumalo bilang suporta sa BPSF sa Batangas sina Department of Finance (DoF) Secretary Ralph Rector na tumayong punong-abala sa programang idinaos sa Aboitiz Pitch – Lima Park sa lungsod ng Lipa.
“Natutuwa tayo at kahit Secretary of Finance na si dating Congressman Ralph Recto ay siya pa rin ang tumayong local host ng ating BPSF sa Batangas at ang pagbabalik natin sa BPSF mula sa pahayag ng mas pinatinding interes ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa service caravan na nagbigay ng ibayong motivation sa ating organizers,” wika ng lider ng Kamara.
“Kailangan nang itayo ang mga Serbisyo at Tulong Center sa bawat lalawigan sa Pilipinas. Serbisyo ng gobyerno, direkta na sa tao, ito ang pangako ni Pangulong Marcos sa ating mga kababayan!”
Dumalo rin sa Batangas-leg ng BPSF ang nasa 143 kongresista, kabilang si former President Gloria Macapagal Arroyo; Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr., gayundin ang iba pang national at local officials.
Ayon kay Romualdez, ito ang ikalawang pagkakataon na ang BPSF ay ginanap sa Calabarzon region – una sa Sta. Cruz, Laguna noong Nobyembre ng nakalipas na taon.
Paliwanag ni Romualdez, target ng BPSF na marating ang lahat ng 82 lalawigan sa buong bansa, bitbit ang adbokasiyang “Mabilis, Maayos, Maginhawa at Masayang serbisyo publiko.”
Patunay pa aniya ng katuparan sa hangarin mismo ng Pangulo na maparating direkta sa mga mamamayan ang mga serbisyo at programa ng gobyerno, umabot sa 50 participating agencies, na nagkaloob ng 209 iba’t-ibang serbisyo ang handog sa mahigit 60,000 Batangueño.
Kabilang sa mga tampok na aktibidad sa two-day BPSF ang payout na isinagawa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Labor and Employment (DOLE), na may pinagsamang kabuuan na 34,000 beneficiaries sa buong lalawigan ng Batangas.
Sa P563-milyong halagang bitbit ng BPSF, P265 milyon ang ipinamahagi sa anyo ng cash assistance.
