DAHIL sa kawalan ng aksyon sa mga sumbong ng di umano’y katiwalian ng municipal treasurer, mas nauna pang nasuspinde si Mayor Brigido Camarillo ng Sta. Maria, Ilocos Sur sa bisa ng pinagtibay na resolusyon ng Sangguniang Panlalawigan.
Sa resolusyong nilagdaan ni Ilocos Sur Gov. Jeremias Singson, 60-araw na suspendido si Camarillo bunsod ng “gross negligence and dereliction of duty.”
Saad sa suspension order, nakitaan si Camarillo ng sapat na ebidensya matapos tulugan di umano ang sumbong ni Sta. Maria Vice Mayor Michael Florendo kaugnay ng irregularidad sa Sta. Maria municipal treasurer’s office.

Wala rin umanong ginawang hakbang si Camarillo sa sumbong laban sa mga empleyadong sumasahod ng kumpleto pero bihira lang naman pumasok sa kani-kanilang kinabibilangang tanggapan ng lokal na pamahalaan.
Sa ilalim ng umiiral na batas, mayroon lamang 30-araw ang lahat ng tanggapan ng pamahalaan – lokal man o nasyonal para iproseso ang mga aplikasyon sa lokal na pamahalaan at at akysunan ang dulog ng mga mamamayan.
Samantala, itinalaga ni Gov. Singson si Florendo bilang acting mayor ng nasabing bayan sa loob ng 60-araw.
