KINUMPIRMA ngayong Martes ni Isabela Governor Rod Albano na natagpuan na mga rescuers ang Piper aircraft na nawawala simula noong Nobyembre 30.
Agad na tinungo ng ground rescuers ang crash site.
Sinabi na alam na ang posibleng lugar kung saan maaaring mag-landing ang Philippine Air Force ngunit inaalam pa kung ligtas ang lugar.
“The Piper appears intact, thus there is good chance of occupants’ survival,” ayon sa report tungkol sa piloto at ang isang pasahero nito.
Kinumpirma rin ng Civil Aviation Authority of the Philippines ang pagkakatuklas sa eroplano at hinihintay na lamang ang opisyal na report mula sa mga imbestigador.
Ang Piper PA-32-300 aircraft na may tail number RP-C1234 ay nawala matapos lisanin ang Cauayan Airport sa Isabela patungong Palanan Airport sa naturan ding lalawigan.
Una nang sinabi ni Isabela disaster management head Constante Foronda na posibleng malakas na hangin ang nakaapekto sa pagbagsak ng eroplano.