HIGIT na ngitngit ang ipinamalas ng Bulkang Mayon matapos magtala ng walong volcanic earthquake at 303 rockfall events sa nakalipas na 24 oras, batay sa pinakahuling ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Ayon sa Phivolcs, nakitaan rin ng lava collapse pyroclastic density current events at paulit-ulit na pulse tremor ang bulkang higit na kilala sa angking alindog.
Naging mabagal naman anila ang pagdaloy ng lava mula sa crater ng Mayon na may haba na 2.8 kilometro sa Mi-isi Gully at 1.3 km sa Bonga Gully at pagguho ng lava hanggang 3.3 km at 4 km sa Basud Gully.
Mayroon ding 792 tonelada ng asupre ang ibinuga ng bulkan at may 1,000 metro taas ng plume at pagsingaw na napadpad sa gawing kanluran.
Babala ng Phivolcs, nananatili pa rin sa Alert Level 3 ang Mayon.