PINATAWAN ng 18-buwang suspensyon ng Palasyo si Abra Vice Governor Maria Jocelyn Valera-Bernos kaugnay ng kasong administratibo na inihain noong nakalipas niyang termino.
Sa direktiba ng Pangulo, agad namang inihain ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang suspension order laban kay Bernos.
Nag-ugat ang kaso noong panahong gobernador pa si Bernos kung saan sinampahan ng reklamong oppression, abuse of authority, conduct unbecoming of a public official, at disobedience to national government policies, batay sa reklamo ng medical direktor ng isang pagamutan sa nasabing lalawigan.
Batay sa reklamo, taong 2020 nang ipasara ng noo’y gobernador ang hindi tinukoy na ospital. Ang dahilan – positibo sa nakamamatay na COVID-19 ang isa sa mga nurse ng nasabing pagamutan.
Giit ng pamunuan ng ospital, ilegal ang lockdown sa pagamutan lalo pa’t walang pag-ayon ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) na nakabase sa Cordillera Administrative Region
Gayunpaman, iginiit ni Bernos na hangad lamang ng pamahalaang lalawigan protektahan ang mga mamamayan ng Abra.
Samantala, inalmahan naman ng kampo ni Bernos ang suspension order ng Palasyo.
“Ang kinukuwestyon natin ay bakit nila ipapatupad ang in-impose na suspension noong nakaraang termino [bilang gobernador] ni Vice Governor Joy,” wika ni Atty. Kurdel Paroy, na tumatayong abogado ni Bernos
Ani Paroy, ibinasura na ng Office of the Ombudsman ang isang kahalintulad na kaso noong Mayo 2022.
Pal=niwala ng suspendidong bise-gobernador, ginapang ng kalaban sa puilitika ang naturang suspension order na aniya’y may kinalaman sa kanyang planong muling pagtakbo bilang punong lalawigan ng Abra.
“Parang ginagamit na nila ng power nila to attack yung mga kalaban nila dito sa baba, so I am again appealing to the Office of the President to verify this case or validate this case,” ani Bernos.
