
Courtesy: Baritan Volunteer Facebook page
DALAWANG bodega sa Meycauayan, Bulacan ang tinupok ng apoy mula Martes ng gabi hanggang kaninang Miyerkules ng madaling-araw.
Sa inisyal na report ng Bulacan Provincial Fire Protection (BPFP), ang mga odega na nasa Barangay Langka at Libtong, ay ginagamit na imbakan ng ibat’ ibang paninda at school supplies.
Nagsimula umanong magliyab ang lugar bandang alas-9 ng gabi noong Martes.
Sa mezzanine ng isa sa mga establisimyento ng South Star General Merchandize na pag-aari ni Bomir Ortiz, Mic Lao, at Jackie Lao nagsimula ang apoy.
Sinabi ng Bureau of Fire Protection na ang lokasyon ng bodega at kakulangan ng supply ng tubig ang dahilan kung bakit kumalat at tumagal ang pag-apula sa apoy.
Bandang ala-1 ng madaling araw ay umabot na sa ikaapat na alarma ang sunog at idineklarang hupa na ng alas-7 ng umaga.
Hindi pa rin batid ang pinagmulan ng apoy kasabay ng pagbibigay seguridad ng kapulisan upang maiwasan ang nakawan sa lugar.