HABANG abala ng lahat sa kahihinatnan ng imbestigasyon sa flood control scandal, palihim na kumikilos ang sindikato sa likod ng ilegal na kalakalan ng droga.
Ito marahil ang napagtanto ng pulisya matapos makasamsam ng hindi bababa sa P43.86-milyong halaga ng marijuana kush sa bayan ng Taytay sa lalawigan ng Rizal.
Sa ulat ng lokal na pulisya, arestado ang hindi pinangalanang suspek matapos kumagat sa buy-bust operation na ikinasa ng Taytay Police Station Drug Enforcement Team at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Barangay Dolores ng nabanggit na bayan.
Batay sa inisyal na impormasyon ng lokal na pulisya, dinakip ang suspek matapos bentahan ang ng isang pakete ng high-grade kush sa halagang P5,000 ang isang pulis na nagpanggap na buyer.
Matapos arestuhin, tumambad naman sa loob ng bahay ng suspek ang 71 pakete (katumbas ng 35 kilo) ng kush, 23 pakete (katumbas ng 23 kilo) ng pinatuyong dahon ng marijuana.
Narekober din ng mga operatiba ang 80 mini box na may 1,600 cartridge ng liquid marijuana at 200 kahon ng marijuana vape juices.
Kasalukuyang nakapiit ang hindi pinangalanang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (EDWIN MORENO)
